Noong unang panahon, walang baboy.
Naglipana na noon ang iba’t-ibang klase ng hayop sa balat ng
lupa, pero wala ni isang umaatungal ng “oink-oink!”
Nagsimula ang kuwento ng mga baboy sa buhay ng isang taong
nagngangalang “Boy”.
Si Boy ay hitik sa talento, iba’t-ibang kakayahan at galing sa
negosyo. Bukod dito, nabiyayaan din siya ng kagandahang lalaki—matangkad,
matipuno at tisoy. Ang mga ito ang ningas ng mabilis niyang pagyaman.
Idolo rin siya ng kanyang mga kababayan. Kung may magandang
kaganapan, ito’y dahil kay Boy. Kung may magandang balita, ito’y galing kay
Boy. Kung may magandang pagkakakitaan, ito’y bunsod ng mga negosyo ni Boy. Siya
ang nagbibigay ng saya, galak at buhay sa kanilang bayan.
Ngunit isang gabi, isang bangungot ang nagbukas sa masaklap na
kabanata ng buhay ni Boy.
Sa kanyang panaginip, nakita niya ang kanyang sarili na nakatali
sa isang kawayan habang siya’y iniihaw. Nagtatawanan ang mga tao habang
pinapahiran nila ng sarsa ang kanyang katawan. Makaraan ang ilang sandali,
bigla siyang dinaluhong. Pinagkakagat
ang kanyang mukha, tiyan at maging ang kanyang mga hita.
Sarili niyang hiyaw ang gumising kay Boy na noo’y halos maligo
na sa pawis.
Dali-daling siyang pumunta sa kusina upang kumuha ng tubig.
Habang siya’y umiinom, nabuo sa kanyang isip ang posibleng mensahe ng kanyang
bangungot—sisirain at papatayin siya ng kanyang mga kababayan dahil sa inggit.
Kailangang mag-ingat siya’t huwag nang basta-basta magtitiwala
sa ibang tao.
Simula noon, nag-iba na ang ugali ni Boy.
Hindi na siya nakikisalamuha sa mga tao. Kung may lumapit sa
kanya, pinagmumura niya’t agad na itinataboy. Madalang na rin siyang lumabas.
Pinalagyan pa nga niya ng mataas na bakod ang kanyang bahay. Naging mabagsik na
rin siya sa kanyang mga kasambahay. Konting pagkakamali lang nila, sinasaktan
na niya ang mga ito.
Ubod na rin ng damot si Boy. Wala na ang dating takbuhan ng
taumbayan. Bagamat nag-uumapaw ang pagkain sa kanyang bahay at hitik sa bunga
ang mga punongkahoy sa kanyang bakuran, walang ibang taong maaring makinabang.
Mas nanaisin pa ni Boy na sumakit ang kanyang tiyan sa sobrang kabusugan kaysa
hatian ang kanyang mga kapitbahay. Naniniwala siyang kapag pinakain niya ang
ibang tao, tila binibigyan niya ng lakas ang mga posibleng papatay sa kanya.
Sa bawat araw na magdaan, lalong tumitindi ang kasakiman ni Boy.
Lalong umiitim ang kanyang puso. At dahil ang pusong taglay ang hulmaan ng
hitsura, tila nag-iiba na rin ang paningin ng mga tao sa kanya.
Kilabot na ang nararamdaman ng mga tao kay Boy. Tuwing natatanaw
nila itong nakatayo sa kanyang asotea, imbes na tao, isang pangit at matabang
hayop ang kanilang nakikita. Bilugan ang mukha. Patulis ang nguso. Mabalahibo.
Palaging ngumunguya. Malimit humiyaw.
Ayaw na ng mga taong dumaan sa tapat ng bahay ni Boy. Pero hindi
nila maiwasan dahil malapit ito sa pangunahing kalsada ng bayan.
Isang araw, may kumatok sa pinto ni Boy.
Nagulantang siya dahil matagal na ring hindi siya tumatanggap ng
bisita.
“Sino ‘yan? Anong
kailangan mo?” sigaw ni Boy na noo’y nasa kanyang sala.
“Boy, si Pedro ‘to,” sagot ng kumatok. “Kararating ko lang mula
sa lungsod.”
Si Pedro. Ang kanyang kababata. Ang kanyang matalik na kaibigan.
Ang tapat niyang kasangga sa lahat ng bagay. Mahigit limang taon na rin silang
hindi nagkikita mula noong nagtrabaho si Pedro sa lungsod. Kumislot sa kanyang
puso ang pagkasabik sa isang kaibigan.
Tumakbo siya sa pintuan. Nabuhay ang ngiti sa kanyang mukha
habang binubuksan niya ang pintuang nabudburan ng kandado.
Ilang saglit pa, kaharap na niya si Pedro—ang kanyang tanging
kaibigan.
Sa likod ni Pedro ay ilang kalalakihan. Mga pinuno ng kanilang
bayan.
“Pe-Pedro,” halos pabulong na tinuran ni Boy. “Bakit mo sila
kasama?”
“Boy,” nakangiting sumagot si Pedro. “Naparito kami upang
patunayan sa kanila na mali ang mga tsismis. Upang patunayan sa kanila na hindi
ka naging halimaw. Na ikaw pa rin ang kaibigan kong magandang lalaki!”
Hinarap ni Pedro ang mga kasama niya. “O ayan, mga kababayan!
Napatunayan n’yong mali ang inyong mga paratang.”
Nagbulungan ang mga kalalakihan. Hindi sila sang-ayon sa mga
sinasabi ni Pedro. Sa katunayan, nahihiwagaan sila kay Pedro. Bulag ba si
Pedro? O nagkukunwari lang? Sa kanilang mga mata, isang halimaw si Boy.
Gumapang sa kanilang mukha ang takot.
“Pedro,” ani Boy. “Ano ba ang hitsura ko sa kanila? At ano ang
hitsura ko sa’yo?”
Agad sumagot si Pedro. “Boy, ipinagpipilitan nila na nagbago na
ang anyo mo. Isang halimaw daw ang nakikita nila sa’yo. Pero hindi ko nakikita
‘yon. Ang nakikita ko sa’yo ay ang matalik kong kaibigan.”
Naguguluhan si Boy. Naalala niya ang kanyang bangungot.
Tinitigan niya si Pedro. Nais niyang maniwala sa kaibigan, subalit nanaig ang
isang naglalagablab na poot sa kanyang puso.
“Pedro, isang kang traydor!” sigaw ni Boy. “Kasabwat ka nila!
Ginamit mo lamang ang pagiging magkaibigan natin para makapasok kayo dito sa
bahay! Upang maisakatuparan ninyo ang pagpatay sa akin! Upang maagaw ninyo ang
aking mga kayamanan!”
Nanlilisik na ang mga mata ni Boy.
“Traydor!” Paulit-ulit itong isinisigaw ni Boy. Dumagundong ang
kanyang boses.
Laking gulat ni Pedro sa mga sinabi ni Boy. Wala siyang alam na
dahilan kung bakit ganito ang tawag sa kanya ng kanyang kaibigan. Ilang ulit
niyang tinangkang magsalita subalit nangibabaw ang mabagsik na boses ni Boy.
Hanggang sa tumambad sa kanyang paningin ang isang nakakakilabot na pangyayari.
Nagsimulang magbago ang anyo ng kanyang kaibigan.
Ang mukha ni Boy, biglang bumilog. Ang kanyang mga mata,
naningkit. Ang kanyang nguso, tumulis. Humaba ang kanyang mga tainga. Tinubuan
siya ng mga matitigas na balahibo.
Nanginig ang laman ni Pedro sa kanyang nakikita. Subalit lalo
pang tumitindi ang kanyang takot nang may makita siyang kakaibang tumutubo sa
buong katawan ni Boy.
“Boy” usal ni Pedro. “Tinutubuan ka ng taba, Boy. Taba, Boy!”
Halos mabaliw na si Pedro sa nasasaksihan. “Mga taba, Boy.
Tinutubuan ka ng taba! Taba, Boy! Taba, Boy! Taba, Boy! Ta-ba, Boy!”
Nakikita na din ito ni Boy sa kanyang sarili. Nararamdaman din
niya ang pagpulupot ng mga taba sa kanyang katawan. Sa kanyang mga paa. Sa
kanyang mga braso. Sa kanyang tyan. Sa kanyang dibdib. Sa kanyang leeg. Sa
kanyang mukha. Mahapdi. Tila nilulunod siya ng matinding sakit sa katawan.
Sumigaw siya ng paglakas-lakas. Ang kanyang sigaw, hindi na boses tao. Boses ng
isang halimaw!
Bago pa man makakilos ang mga kalalakihan sa kanyang harapan,
nagtatakbo si Boy. Mabilis. Walang
direksyon. Malayo. Sa lugar na matatakasan niya ang mga tao. Ang mga taong
maaring papatay sa kanya.
Mula noon, hindi na nakita pa sa bayan si Boy. Pero sa tuwing
ikwine-kwento ng mga pinuno ang huling pagkakataong nakita nila si Boy, hindi
nila makalimutan ang mga tinuran ng kaibigan niyang si Pedro.
“Taba, Boy...Taba, Boy...Ta-ba, Boy...Ba, Boy...”
***
BARD NOTES: Special thanks
to INWD General Manager John Teodoro, INWD Board of Directors and all employees
of Ilocos Norte Water District.
Happy bard-reading to
Congresswoman Imelda R. Marcos, Governor Imee Marcos, Mayor Chevylle V.
Farinas, Vice Mayor Michael V. Farinas, Mayor Jeffrey Jubal Nalupta, Board
Member James Paul “Goro” Nalupta, Mr. Efren Bartolome, Ms. Pia Salapongol, Dr.
Chester Puño, Dr. Sme Juancho Estrella and Atty. Yvette Convento- Leynes.
Happy reading also to
Provincial Treasurer Josephine Calajate, INEC Director JV Calajate, Ms. Cecil
Nalupta and the employees of Philippine National Bank – Laoag Branch, AMA –
Laoag Campus, DepEd – Laoag, Video City
– Laoag, Runner’s High Specialty Shop, Land Bank of the Philippines and Ilocos
Norte PNP.
Comments
Post a Comment