Ang tao raw ay nagmula sa lupa. Pero kung
minsan, mas naniniwala ako na ang tao ay sa kongkreto nagmula. Sabagay may
relasyon din ang lupa’t kongkreto, ngunit ang purong lupa ay malambot at
manipis, samantalang ang kongkreto ay matigas at makapal.
Tingnan mo ang katabi mong tao,
salatin ang kanyang mukha at bahagyang pisilin ang kanyang pisngi. Ano ang
sumalubong sa’yong kamay? Ano ang tumambad sa iyong pakiramdam? Manipis o
makapal? Malamang nagkakalyo ang iyong kamay sa paghagod sa kara ng isang nilalang na nagmula sa
pinatigas na semento.
Maglupasay ka man sa korte ng
kapalaran, hindi mababaligtad ang katotohanang ang buhay ay puno ng mga humihingang
kakapalan. Kung minsan naiisip ko na talaga yatang mali ang ilang teorya
kaugnay ng pinagmulan ng buhay, tulad ng Big Bang Theory, Natural Selection at
Theological Origins. Ang buhay yata—lalo na ng tao—ay nagmula sa isang cement factory dito sa hilaga.
Naghahanap ka pa ba ng ebidensya ng
katigasan ng mukha? Wag ka nang lumayo, tingnan mo na lang ang mga katrabaho o
kaopisina mo.
Ang empleado sa iyong kaliwa,
malamang ito ang ginagawa: Nagkukunwaring very
busy, nakakunot pa ang noo sa lalim ng iniisip. Subalit kung tingnan mong
maigi ang kanyang kinakalikot, isa palang brochure
ng iba’t-ibang produkto—namimili pala siya ng uutanging make-up, lipstick,
pabango, panty at bra. Sinasabayan pa ng pagsalat sa kanyang dibdib, tinatantya
kung kailangan na nya ng push-up na
produkto.
Ang empleado sa iyong kanan,
malamang ito ang pinagkakaabalahan: Nagbubulatlat ng mga papel sa kanyang
harapan. Seryoso s’ya at pailing-iling na parang may malaking problemang
kinakaharap. Siliping mabuti ang mga tila maliliit na dokumentong hawak n’ya. Sus! Mga natalong tiket n’ya sa lotto!
Nag-iisip pala siya ng bagong balasa. Sa ilalim ng mga lotto ticket, naghahari
naman ang listahan ng mga numerong lumabas sa jueteng.
Ano naman ang masasabi mo sa’yong
boss na ang desk ay nasa mismong
harapan mo? Wala, wala kang masasabi. Wala kang masasabi dahil parati naman
siyang wala! Saan ba s’ya nagpupunta? Saan pa e di sa meeting! Kaw talaga, ang hina mo! Meeting ng mga
tsismoso’t tsismosa sa canteen, sa hallway at kung saan-saan pang sulok ng
gusali. Kung minsan naman, nasa seminar s’ya. Seminar na puno ng pagliliwaliw,
shopping spree, pagpapa-cute, pag-iisip ng paraan ng pagkupit sa liquidation at pagkuha ng certificate of attendance kahit hindi
pumupunta sa lectures.
O, saan ka pa? Punta ka pa ba sa
kabilang division upang mapatunayang maraming makakapal sa mundo? E ang bilang
ng mga kapalmuks sa opisina n’yo pa lang, sapat nang pantapal sa mga lubak sa
national highway. Matibay pa! Kung
idagdag mo pa ang lahat ng makakapal sa boung gusali, baka makagawa na tayo ng
mga tulay na magdudugtong-dugtong sa lahat ng mga isla sa Pilipinas.
Hay! Ganyan talaga ang buhay.
Minsan, nagtungo ako sa simbahan, maluha-luhang nanikluhod at taimtim na
nanalangin. Ipinagdasal ko na sana’y mawala na ang lahat ng kapalmuks sa ibabaw
ng mundo. Please Lord!
Ngunit, habang sinasambit ko ang
aking panalangin, tila sinasagot ako ng Diyos at ipinapakita ang magiging
resulta ng aking hinihiling. Ang maaring maging resulta: Walang matitirang tao
sa mundo—pati ako, kasamang maglalaho! Ibig sabihin: makapal din ang pagmumukha
ko.
Kaya bigla kong binawi ang aking
panalangin! Erase-erase! Ayoko pang
mag-evaporate! Ikaw, gusto mo na ba? Mas mabuting manatiling makapal kaysa
kunin na ng Maykapal.
Subalit sa likod ng kakapalan ng
ating mukha, sana hangga’t maaari’y mag-iwan tayo ng kahit kaunting malambot na
bahagi sa ating puso. Sana, kahit paminsan-misan lang, ang ating katigasan ay
magsilbing kalasag ng mga naaapi’t mahihina. Sana, kahit ilang sandali lang,
ang lakas ng ating apog ay magamit naman sa pagpawi ng kalungkutan ng mga
maralita.
Huwag nating kalimutan, lahat tayo’y
may obligasyon sa ating kapwa tao, makapal man, mas makapal kesa sa’yo o
pinaka-kapalmuks sa boung mundo.
***
BARD NOTES: Special thanks to INWD
General Manager John Teodoro, INWD Board of Directors and all employees of
Ilocos Norte Water District.
Happy bard-reading to Congresswoman
Imelda R. Marcos, Mayor Chevylle V. Farinas, Vice Mayor Michael V. Farinas,
Mayor Jeffrey Jubal Nalupta, Board Member James Paul “Goro” Nalupta, Mr. Efren
Bartolome, Ms. Pia Salapongol, Dr. Chester Puño, Dr. Sme Juancho Estrella and
Atty. Yvette Convento- Leynes.
Happy reading also to
Provincial Treasurer Josephine Calajate, INEC Director Virgilio Calajate, Ms.
Cecil Nalupta and the employees of Philippine National Bank – Laoag Branch, AMA
– Laoag Campus, DepEd – Laoag.
Comments
Post a Comment